Palakasan
Hinahapon na ako kaya kinakailangan ko na umalis para sa regular kong check up sa aking OBGYNE. Sikat ang OB ko. Director ba naman ng ospital. Pagdating ko sa office niya, nakita kong may pila na pero nakalagay sa pintuan ang "The Doctor is OUT". Wala pa si Doc kahit na dapat e nandun na siya dahil sabi ng office hours niya e 5pm to 7pm. Sige na nga, wag na akong magmaganda dahil 5:45 naman ako dumating.Dahil alam ko ng maghihintay din ako ng matagal ay inilabas ko sa itim kong bag ang libro ni Bob Ong na di ko pa matapos tapos basahin. Kaya siguro naging Filipino ang blog ko ngayun para maiba naman. Nahawa ni Bob Ong e. Di ako naiinip kasi normal na sa akin na matagal si Doc. Maya maya pa, may dumating na dalawang babae. Nasa 50 anyos pataas na siguro ang edad. Sa talas ng pandinig ko, nalaman ko na Chinese sila.
Basa. basa. basa. Mga 6:30 ay dumating na si Doc. Hay salamat! Aandar na ang pila. Hintay parin... Basa... basa... Kung nauna ka sa doktor, di mo man alam kung sino ang nauna sayo, alam mo kung sino ang susunod sayo... kasi nga nauna ka sa kanila. Nang kumonti pa ang tao, lumabas ang sekretarya. Akala ko sa akin siya nakatingin. Senyales na "AKO" na. Pero laking gulat ko ng hindi pala ako ang sinesenyasan kungdi ang dalawang Filipino-Chinese na mga may edad na kaharap ko. Kahit sabi ng popular na larawan na nagkalat sa Internet na "Keep Calm and..." hindi ko malaman ang isusunod sa katagang iyon dahil hindi ko makitaan ng magandang dahilan bakit nauna pa sila sa akin! May pila naman diba?
Bigla tuloy nag flashback sa akin ang ilang pangyayaring katulad nito.
Si Tita ko mahilig sa pag "singit". Marami kasi siyang kilala. Miss Congeniality kung baga. Ugali niyang magbigay ng pasalubong sa mga taong madalas niya nang nakakausap o nalalapitan. Kaya tuloy nung minsan na nagpunta kame sa isang government office para kumuha ng benepisyo- nakita ko na pagkahaba haba ng pila. Pero si Tita, pumasok lang doon mismo sa Employee's area, binati ang kakilala niya, tapos e sumunod na kaming naasikaso. Walang pila. Noon palang alam kong hindi ko kaya ang ganung pamamaraan. Masunurin kasi ako. Kapag kakain nga ng kendi si Abryan at itatapon nalang ang balat sa kalsada e pipigilan ko pa para hingin nalang ang balat at ilagay muna sa bag ko hanggang maitapon sa basurahan. Ganun ako kamasunurin. Hindi ko sinasabing masama ang mga taong di sumusunod sa nararapat. Ang sinasabi ko lang ay mas madali para sa akin ang sumunod nalang sa batas, sa rules, sa tamang asal. Kaya nga may RIGHT path kasi RIGHT! hehe.
Kung wala akong dalang libro at kung gutom na gutom na ako, malamang ko iba ang naging eksenang sumunod. Pero sabi nga sa 7 Habits of Highly Effective People, be PROACTIVE. Wag na magpa stress dahil hindi ko naman kontrolado kung gusto ng ibang tao na gamitin ang pagka ELITISTA nila para mabigyan ng "special treatment". Sige na, kayo na ang mayamang kailangang mauna. Siguro malubha ang karamdaman kasi may edad na kaya pagbigyan nalang. Ang maganda dun, matatapos kong basahin ang libro- na natapos ko nga bago ako tawagin ng sekretarya.
Sa akin lang, hindi ko sinasabing pabayaan ang baluktot at magbulag bulagan. May mga pagkakataong kailangang ipagtanggol natin ang karapatan natin kung alam nating nasa tama tayo. Pero hindi sa lahat ng pagkakataon kailangan nalang laging makibaka- parang laging may gera.
Attract positive energies.
Kahit naghintay pa ako, masaya naman ang naging usapan namin ng OB ko. FAMILY PLANNING. Nakakatuwa talaga siya pag nagbibigay ng opinyon. Salungat kasi siya sa tinuturo ng simbahan pagdating sa "Natural Family Planning". Sa totoo lang... sang ayon ako sa kanya na mahirap talaga ang itinuro sa amin nung nag seminar kame sa simbahan. Yung aalamin mo kung kailan ka "Fertile" sa pagkuha ng temperatura ng babae at pagmomonitor nito araw araw. Aba!!! mahirap yun- (promise!) Kung may mga nadadalian- ito ang masasabi ko- IKAW NA! :)
Napag usapan din namin yung sinabi sa amin na paraan para sa mga mag-asawa kung gusto nila ng lalake o babaeng anak. Ang hirit ni Doc e walang scientific basis yung sinasabi nila. At hindi daw ba mas masama na ituro yun kasi sino ang tao para pakielaman kung anong gender ang gustong ibigay ng Diyos sa mag asawa. (may punto naman si Doc dun!)
Masaya ang naging usapan. Kakaiba talaga magpayo si Doc. Hindi lang sa kalusugan, pati sa personal na opinyon, nakakamangha. Kaya nga ba sikat siya e. Biruin mo sino bang Doktor ang darating ng 30 minutes nalang at tapos na ang Clinic hours niya pero sa kabila nun marami paring pila. Ibang klase talaga siya.
Kung nainis ako sa dalawang matandang yun, malamang nasira ang araw ko at hindi kami nakapag kwentuhan. Kaya ang bottomline: Wag na lang magalit. Kung may magagawa kang paraan, gawin mo. Kung wala naman e wag mo nalang pansinin. Sabi nga nang Prettier than Pink "Easy ka lang, relaks ka lang, simple lang ang buhay ngumiti ka nalang. Daanin mo sa galit noo'y kukunot lang..."
Sa mga may ikinakagalit diyan... alam niyo na ang gagawin... :)
0 comments: